Dinakip sa Southern Leyte ang isang lalaking suspek sa kasong frustrated murder, matapos niyang pagsasaksakin nang walang dahilan umano ang isang lalaki sa Tondo, Maynila. Depensa ng suspek, may alitan sila sa pera ng biktima.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood sa video ang isang lalaking nakahawak sa dibdib matapos pagsasaksakin ng suspek na si Benjie Caballegan sa Barangay 101 sa Tondo Setyembre noong nakaraang taon.
Matapos ang insidente, nakiupo pa ang suspek sa isang grupong nag-uumpukan at bumalik lang sa inuman. Isinugod naman ang biktima sa ospital.
Pero matapos ang pananaksak, nagtago na ang suspek sa mga awtoridad.
Sa San Juan, Southern Leyte na natunton ang suspek nitong Nobyembre 25, na hinainan ng warrant of arrest para sa kaniyang kasong frustrated murder.
Ayon sa imbestigasyon, walang malinaw na motibo sa pananaksak ng suspek, at posibleng napagtripan lang ng suspek ang biktima o dulot ng kalasingan.
"Napagkamalan daw ito at kinorner sa isang eskinita kung saan maraming istambay na mga kabataan din. According sa biktima, hindi nila kilala personally itong [suspek], bale tumatayo lang ito as may hatred. Upon information din, 'yung tatay niya pala ay dating napatay din sa mga pier," sabi ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., Raxabago Police Station Commander.
Umamin ang suspek na sinaksak niya ang biktima gamit ang balisong, at sinabi niyang may alitan sila sa pera.
"Pinagsisihan ko naman 'yung ginawa ko, handa ko namang pagbayaran ang ginawa ko sa kaniya," anang suspek. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News