Isang holdaper ang naaresto nang pumalag ang isang babae na kabilang sana sa kaniyang mabibiktima sa isang spa sa Cavite. Ang babae, nanlaban dahil may napansing kakaiba sa hawak na baril ng suspek.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ng pulisya ang suspek na si Jeffrey Encarnacion, isang AWOL na miyembro ng Philippine Marine Corps.
Ayon pulisya, bago ang insidente sa spa, isang dental clinic sa Dasmariñas City ang nauna nang pinuntirya ng suspek noong Nobyembre 10.
Sa kuha ng CCTV sa clinic, makikita si Encarnacion na naglabas ng tila baril at tinutukan ang mga staff at customer nito.
Natangay noon ng suspek ang mga cellphone at pera na tinatayang aabot sa P21,000 ang halaga.
Halos dalawang linggo makaraan ang insidente sa Dasmariñas City, pinuntirya naman ni Encarnacion ang isang spa sa Trece Martires.
Nagpamasahe, at manicure, pedicure pa muna ang suspek bago nagdeklara ng holdap.
Pero napansin ng therapist na si Benaliza Pulgo na may kakaiba sa hawak na "baril" ni Encarnacion kaya nanlaban siya.
“Nakabalot po siya sa may medyas na itim tapos maliit lang siya. Sabi ko magaan lang tingnan… mukhang peke to. Tapos ‘yung habang kinuha niya cellphone namin at tinatalian ‘yung kasamahan kong isa, ayun du’n na ako naglakas-loob na tulakin siya,” ani Pulgo.
Dito na raw tumulong ang iba pa niyang kasama.
“Hinampas ko po siya ng bat sa ulo tapos nahilo po siya at nanghina. Dito na po siya nahuli ng mga pulis,” saad ni Mark Gaan.
Narekober ng mga awtoridad ang toy gun at iba pang gamit sa panghoholdap.
“Sa anak ko sana sir. Sustentuhan ko sana sir kasi matagal na rin akong hindi makapag sustento sa kanya. Depress na ako sa buhay ko sir, ilang taon na rin akong hindi nakakauwi sa amin kasi galit sa akin pamilya ko, sir,” depensa ni Encarnacion.
Pero sagot sa kaniya ni Trece Martires Municipal Station chief Police Lieutenant Colonel Jonathan Asnan, "Dapat naisip mo maraming paraan para makapag-ano tayo ng trabaho. Dati ka pang nasa service, pero itong ginawa mo, pinasok mo ay against the law. Kakaharapin mo ang kaso mo ngayon.” -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News