Mariin na kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang napaulat na panggagahasa umano sa isang siyam na taong gulang na babae sa isang evacuation center sa Zamboanga City.

"As the country’s Gender Ombud, the Commission denounces all forms of sexual violence and exploitation, most especially when they involve children and minors. These outright pervasive crimes against the most vulnerable sectors have no place in civil society," sabi ng CHR sa isang pahayag.

Nagsasagawa na ng independent motu propio investigation ang CHR, sa pamamagitan ng Regional Office IX nito, para mapapanagot ang suspek at mabigyan ang biktima ng kabayarang-puri, kabilang ang proteksyon at pinansiyal na tulong.

Umaasa rin ang komisyon sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa pagtugon sa kaso.

Nanawagan din ang CHR sa gobyerno na tiyakin ang pinaigting pang proteksyon sa mga kababaihan at mga bata, lalo na ang mga lumilisan ng kanilang tirahan.

Ayon sa CHR, pinapalala ng mga ganitong sitwasyon ang gender-based violence tulad ng pisikal na pang-aabuso, panghahalay, sexual harassment, at sexual exploitation tulad ng sex trafficking at post-disaster prostitution.

Hinikayat din ng CHR ang publiko na i-report ang mga pang-aabuso, at ang pinaigting pang pagbabantay ng pulisya.

Napaulat na ginahasa ng 46-anyos na suspek ang menor de edad sa palikuran ng evacuation center ng nasabing lungsod. Binigyan pa ng P50 ng suspek ang biktima.

Mariing itinanggi ng suspek ang paratang at sinabing wala siya sa evacuation center nang araw na mangyari ang insidente.

Pero sa medical examination sa biktima, nakitaan umano ang bata ng slight laceration at seminal fluid sa maselang bahagi ng katawan.

Sasampahan ng kasong rape ang suspek. —LBG, GMA Integrated News