Nasakote ng mga awtoridad ang isang lalaki na tumangay umano ng isang kotseng nakaparada sa isang casino sa Imus, Cavite. Madaling napaandar ng suspek ang sasakyan dahil nakuha nito ang susi ng sasakyan na nahulog mula sa babaeng may-ari.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa CCTV camera sa loob ng casino ang isang babae na naglalaro ng slot machine.

Nang lumipat ng puwesto ang babae, doon na niya naiwan ang susi, na sinasabing nakuha naman ng suspek na si Randolph Zoleta Brutas, nang umupo siya sa iniwang puwesto ng biktima.

Makikita rin sa CCTV camera sa parking area na tila iniisa-isa ni Brutas ang mga nakaparadang sasakyan at hinahanap ang sasakyan tutunog sa alarm ng nakuha niyang susi.

Nang mahanap ang sasakyan, sinakyan at pinaandar agad nito ni Brutas, at umalis.

“Na-sense niya [biktima] wala pala ang susi niya kaya tumakbo siya sa unang inupuan niya. So, nakita niya directly, nagpunta kaagad siya doon sa parking at ‘yun nga wala na ang sasakyan niya,” saad ni Imus PNP Police chief Police Lieutenant Jun Alamo.

Mabilis naman natukoy ng pulisya ang pagkakakilalan ni Brutas, at nakipag-ugnayan sila sa pamilya nito para sumuko.

“Backtracking ang ating ginawa then sa backtracking natin na-identify natin ang tao. So diyan kasi sa mall na ‘yan bago ka pumasok nag-register,” ani Alamo.

Nang maaresto, nalaman na may kinakaharap pang robbery at theft ang suspek. Itinanggi niya na intensyon niyang tangayin ang sasakyan.

“Hindi ko naman pong intensyon na kuhanin po talaga, sir… talagang tinesting ko lang sir kasi magulo lang talaga ang utak ko, sir. Kasi sir hindi ko talaga willing ibenta o ano. Talagang tinesting ko lang po," depensa naman niya.

"Sana nga po talagang mapatawad na po ako dahil gawa na may baby pa ako,” dagdag pa niya.-- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News