Hinuli ang higit 40 katao at na-impound ang 16 motorsiklo at tricycle matapos nilang gawing race track umano ang isang bypass road para sa drag racing sa Lipa City, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing kinumpiska ng pulisya noong hatinggabi ng Martes ang 12 motorsiklo at apat na tricycle. Nasa impounding area ng Lipa City Traffic Management Division ang naturang mga sasakyan .
Nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad nang magsumbong ang mga residente malapit sa lugar na ginawang race track dahil sa idinudulot na ingay ng ilegal na karera.
Nang magpunta ang mga awtoridad sa lugar, inabutan nila ang mga naaresto, kabilang ang siyam na menor de edad. Sinasamantala umano ng mga ito ang maluwag na kalye para isagawa ang karera.
Natuklasan din ng pulisya na walang rehistro ang ilang mga sasakyan.
Mahaharap ang mga nadakip sa mga reklamong unregistered motor vehicle, no helmet, paglabag sa anti-drag racing ordinance ng City of Lipa, at sa mga ginawang modifications sa mga motorsiklo.
Ayon sa Land Transportation Office Region IV-A, labag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code ang pag-modify ng mga motorsiklo.
Dagdag pa ng LTO, lubha ring peligroso ang mga drag racing sa public road, na hindi idinisenyo para sa karera ng sasakyan.—Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News