Bumuhos ang tulong sa isang aso na nakitang pagala-gala habang may nakatusok na kutsilyo sa kaniyang noo sa Cebu City kamakailan. Ang kawawang aso, mapalad na hindi inabot ng dulo ng patalim ang kaniyang utak.
Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GTV State of the Nation nitong Huwebes, sinabing pinangalanan ang aso na si "Bonbon," dahil nakita siyang pagala-gala na may nakatusok na patalim sa noo sa Barangay Bonbon.
Kuwento ng mag-amang nakakita sa aso na sina Jerson at Jezrell, sinubukan nilang lapitan ang aso pero lumalayo ito kaya kinuhanan na lang nila ng litrato at ipinost sa social media.
Nag-viral ang mga litrato at nakita ng isang animal rights advocate na si Theresa Maria Vidal.
Hinanap ni Vidal ang aso at nang matagpuan ay agad na dinala sa veterinary clinic para maoperahan.
Bumuhos din ang tulong sa aso mula sa mga nahabag na netizens, ayon sa ulat.
“Ang plano naming diyan is, dead or alive, kukunin namin siya para man lang, at least mailibing nang tama. At if ever man na mabuhay pero nahihirapan naman siya, kukunin pa rin namin,” wika ni Vidal.
Mapalad na nakaligtas si Bonbon dahil hindi tinamaan ng ng dulo ng patalim ang kaniyang utak. Nagpapagaling na ngayon ang aso.
“Suwerte si Bonbon kasi ang tip of the blade hindi nag-through and through doon sa may brain. Nag-slide kasi matigas ang bone. Stable na siya. Wala akong nakikitang komplikasyon,” ani Dr. Ryan Yandug, isang veterinarian.
Samantala, mariing kinondena ng Cebu City Council ang karahasang sinapit ng aso.
Inatasan na rin nito ang pulisya na tukuyin ang sumaksak kay Bonbon.
Sa ilalim ng Republic Act 10631 o Animal Welfare Act, maaaring makulong ng hanggang dalawang taon at pagmultahin ng hanggang P100,000 ang sino man mapapatunayang nagmalupit sa hayop.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News