Isang lalaki na 38-taong-gulang ang nasawi makaraang saksakin umano siya ng sarili niyang ama sa San Carlos City, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, sinabing natagpuang ang duguang katawan ng biktimang si Sammy de Guzman sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bolosan.

Dinala pa sa ospital ang biktima pero hindi na umano umabot nang buhay.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Salvador de Guzman, 68-anyos.

Ayon sa pulisya, lasing umano sa alak ang suspek at ang biktima nang mangyari ang krimen. 

Nagkakaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang mag-ama tuwingnalalasing. Matagal na rin daw na mayroong hindi pagkakaunawaan ang dalawa.

Batay sa salaysay ng suspek, sinabi ni Police Major Rommel Sembrano, chief investigator ng San Carlos City Police Station, na lagi siyang inaaway ng anak kapag umuuwi na lasing.

"Parang bini-blame siya [ng anak] dun sa pagkamatay ng kanilang kapatid noong una pa," ani Sembrano.

Nang mangyari ang krimen, nadinig umano ng suspek na nagsalita ang anak na papatayin siya sa gabing iyon.

Nakuha sa crime scene ang kutsilyo na ginamit ng suspek sa pananaksak.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek at ibang kaanak ng mag-ama, ayon sa ulat.

Sasampahan ng kasong parricide ang suspek.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News