Mahigit 100 bata sa 15 barangay sa San Pascual, Batangas ang tinamaan ng Hand-Foot-and-Mouth Disease, ayon sa Rural Health Unit.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, sinabing naka-isolate na ang mga batang apektado ng sakit, at binabantayan din ang mga barangay na nakapagtala ng mga kaso ng nakahahawang sakit.
Pinakamarami umano ang tinamaan ng sakit sa Barangay Sambat na mayroong 23 kaso. Sumunod naman ang Barangay Antipolo (16), Pook ni Kapitan (15) at ang Natunuan North (14).
Ayon sa San Pascual Municipal Office, nakahahawa ang sakit lalo na kapag nahawakan ang isang bagay na hinawakan din ng infected person.
“May mga pangalan na kami ng mga bata na may mga sintomas. So ang unang chinecheck namin is yung mga rashes o yung mga blister po sa kamay, sa palad po o sa paa, sa talampakan po. O may mga mouth ulcers o singaw sa Tagalog. Ang una po pala noon is kung naglagnat sila bago magkaroon ng mga rashes, tsaka po kung saan sila huling nagpunta,” ayon kay Nurse Carla Trisha Varde ng Department of Health (DOH) Calabarzon.
Sa inilabas na Executive Order No. 27 ng lokal na pamahalaan ng San Pascual, ipinag-utos ang pagkansela ng klase mula day care hanggang Grade 3 level sa walong barangay sa bayan hanggang sa Biyernes dahil sa patuloy na pagdami ng kaso sa lugar.
“HFMD, ito ay nakukuha sa coxsackievirus or enterovirus. Ito ay puwede [na] more on common siya sa mga bata kaya sila ‘yung prone magkaroon ng HFMD. So ang mga sintomas po nito lagnat, mouth blister po, rashes sa katawan lalo na po sa skin, sa kamay at talampakan. Ang incubation period nito ay 3-10 days,” paliwanag ni Dr. Joan Stephanie Matira.
Samantala, napasugod agad sa health center ang mga magulang para ipasuri ang kanilang mga anak na nakitaan ng rashes.
Kaugnay nito ay nagsagawa na rin ng disinfection ang lokal na pamahalaan kasabay ng pamimigay ng mga gamot at bitamina sa mga bata.
Mamamahagi din umano ng alcohol at hand sanitizer sa lahat ng elementary school sa bayan at magsasagawa ng lecture para sa mga barangay health workers kung paano ang monitoring at reporting sa mga ganitong klaseng sitwasyon.
Nakipag-uganayn rin sila sa provincial at regional epidemiology para sa agarang tulong sa lugar. -- Sherylin Untalan/FRJ/KG, GMA News