Nahuli-cam ang isang lalaking nagwawala at hinambalos ng taga ang isang bahay sa Calabanga, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Reguional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Zone 3, Barangay Bonot, Calabanga, Camarines Sur.

Pinaghahanap ng awtoridad ang lalaki na kinilalang si Ricky Rocero, empleyado ng isang tindahan sa lugar.

Sa paunang pagsisiyasat ng pulisya, lumitaw na bago ang insidente, nakipag-inuman umano si Rocero sa kaniyang amo na nakatira sa naturang bahay.

Pero bigla raw nitong pinagselosan ang amo, na siyang ikinagalit ng lalaki at doon nagsimulang magwala.

Nakatakas na ang lalaki nang dumating ang mga rumespondeng pulis. Tumanggi naman ang pamilya ng may-ari ng bahay na magbigay ng pahayag, ayon sa ulat.

Posibleng maharap sa kasong alarm and scandal at, paglabag sa ordinansa ng barangay ang lalaki. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA News