Patay ang isang lalaki at kritikal ang isa pa matapos silang sagasaan ng kotse sa gitna ng rambulan ng dalawang kabataan sa isang tulay sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Taguanao Bridge sa Barangay Indahag noong Linggo.
Sa isang viral video, makikita ang pagtambay ng mga kabataan sa naturang tulay.
Ilang saglit pa, maririnig na may nabasag na bote, saka naghiyawan ang mga kabataan.
May ilang lalaki rin na nagtakbuhan sa tulay.
Nauwi ito sa suntukan ng dalawang grupo habang may kotseng humaharurot sa pagtakbo.
Sinagasaan nito ang lalaki na kinilalang si Paul John Levita, 26-anyos, na ikinamatay nito.
Kritikal naman ang isa pang biktima ng pananagasa na si Rufus Levita, 22-anyos.
Hindi pa tumigil ang driver at minaniobra niya ang kotse, kaya pinagbabato ito ng bote ng kabilang grupo.
Ayon sa imbestigasyon ng Cagayan de Oro City Police Office, nag-"car shot" o nag-inuman sa sasakyan ang mga grupo sa lugar.
"Nag-iinuman sila sa lugar, meron daw nangungutya at nagkasagutan hanggang sa magkainitan at altercation dahil na-offend," sabi ni Police Lieutenant Colonel Evan Viñas, spokesperson ng COCPO.
Patuloy na hinahanap ng pulisya ang suspek na nagpaandar ng kotse, matapos maplakahan ang kaniyang sasakyan.
Nahaharap ang suspek sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple serious physical injuries. — Jamil Santos/VBL, GMA News