Inirereklamo ng mga residente ang nakasusulasok na amoy mula sa mga nitso sa isang sementeryo, na nasira dahil sa mga pag-ulan sa Batangas City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, batay sa report ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalo, sinabing kumalat ang mga buto matapos masira ang mga nitso sa Barangay 6.
Ayon sa isang residente, hindi na nila matiis ang masangsang na amoy at nag-aalala pa siya sa kalusugan ng kaniyang pamilya.
Bilang panangga sa amoy, nagsasara na lamang sila ng mga bintana at nagsusuot ng face mask.
Sinabi naman ng City Engineering Office na may nakahandang relocation site para sa mga naapektuhang residente.
Lumipat na rin ng tirahan ang ilang residente, pero marami pa ring nananatili sa lugar.
Nakatakdang hakutin ang mga nasirang nitso ngayong Huwebes.
Nasira ang mga nitso noong Setyembre 28 nang bumigay ang isang bahagi ng pader dahil sa paglambot ng lupa dulot ng pag-ulan.
Nadamay ang limang bahay malapit sa sementeryo.
Nagsagawa na ng disinfection at sanitation ang Batangas City Environment and Natural Resources sa naturang sementeryo dahil sa maaaring maging banta ito sa kalusugan ng mga apektadong residente. —LBG, GMA News