Nalunod ang isang senior citizen kasama ang mga alaga niyang baka na tinangka niyang sagipin mula sa rumaragasang baha sa Cabangan, Zambales.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagluluksa ang Barangay Cadmang-Reserva sa pagkamatay ng biktima na kinilalang si Roberto Garcia.
Nasaksihan ni Rommel Garcia ang sinapit ng kaniyang ama at mga alaga nitong baka.
"'Tay,' kako, 'Bitawan mo na.' Wala naman, hindi naman niya [narinig]. Malayo na siya eh, 'yung tubig po kasi masyadong malakas. Eh dalawa 'yung hawak niyang baka. Parehas po silang namatay," sabi ni Garcia.
Lampas sa 30 baka ang nalunod nitong Lunes ng madaling araw.
Limang baka naman ang nawala mula kay Alfredo Panopio.
"Parang nanghihina po ako dahil 'yun po ang inaasahan ko para magkaroon ng pera, para kung may maibenta. Eh ngayon po wala," sabi ni Panopio.
Umabot sa lagpas anim na talampakan ang taas ng rumagasang tubig mula sa umapaw na ilog sa barangay.
Sinabi ng mga residente na hindi sana bumaha sa kanilang lugar kung hindi nawasak ang bahagi ng earth dike sa kanilang lugar.
Dahil dito, nangangamba sila kung sakaling may sumunod na bagyo o malakas na pag-ulan at maulit ang delubyong nangyari sa Barangay Cadmang-Reserva.
Nagsagawa na ng inspeksiyon ang mga taga-Department of Public Works and Highways sa nasirang dike.--Jamil Santos/FRJ, GMA News