Isang butanding na halos 10 talampakan ang haba ang aksidenteng nalambat ng mga mangingisda sa San Fabian, Pangasinan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, makikita sa video ang pagtutulong-tulong ng mga mangingisda na maialis sa lambat ang buntanding.
Tinulungan din nilang makapunta sa malalim na bahagi ng dagat ang dambuhalang isda.
Ayon kay Johnny Paraan, Municipal Fishery Officer ng San Fabian, posibleng napunta sa mababaw na bahagi ng dagat at nalambat ang butanding habang hinabol nito ang kaniyang pagkain na alamang na panahon ngayon.
Samantala, batid naman ng mga residente sa lugar na bawal hulihin at saktan ang mga butanding at iba pang hayop kaya tinulungan nila itong makabalik sa malalim na bahagi ng dagat.--FRJ, GMA News