Sugatan ang isang lalaki matapos na makursunadahan umano ng tatlong lalaki sa loob ng isang resto bar sa Tayug, Pangasinan. Ang biktima, hinataw umano ng bote sa mukha.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," makikita sa kuha ng video sa loob ng resto bar ang tatlong suspek na nagkukumpulan sa biktima.

May madidinig din na tila boteng nabasag na sinasabing ipinalo umano sa mukha ng biktima.

Maya-maya pa, pasuray-suray na naglakad ang biktima palayo sa mga suspek.

Ayon sa pulisya, nakalabas na ng ospital ang biktima na nagtamo ng mga sugat dahil sa pambubugbog na tinamo.

Tukoy na rin daw ang pagkakakilanan ng tatlong suspek na patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.

"Ayon sa may-ari [ng resto bar] at biktima, parang nag-abutan lang doon, then nakakursunadahan," pahayag ni Police Major Anastacio Sibayan Jr., OIC, Tayug Police Station.

Inihayag din ng pulisya, kaagad silang rumesponde sa nangyaring insidente at inabutan nila ang biktima na pasakay sa tricycle.

Isinakay umano ang biktima sa patrol car at dinala sa pagamutan.

Pansamantala namang isinara ang resto bar, at wala pang pahayag ang may-ari nito sa nangyari.

Hinihingan pa ng pahayag ang biktima, ayon pa sa ulat.--FRJ, GMA News