Nasawi ang isang 31-anyos na babae matapos salpukin ng pick-up truck ang sinasakyan niyang tricycle sa Angeles City, Pampanga. Ang nakabundol, tumakas.
Sa ulat ni Jeric Pasilao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Aiko Suarez Torres.
Sugatan din ang ama ni Aiko na si Ricardo Torres, 66-anyos, na siyang nagmamaneho ng tricycle.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na dahan-dahan ang pagtawid ng tricycle sa highway-crossing nang bigla itong salpukin ng pick-up truck.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon at bumaliktad ang tricycle. Hindi naman huminto ang pick-up truck.
“Papunta kami ng Pampang sa Klaro. Palipat kami ng highway. Nakita ko malayo yung ilaw niya. May nakasalubong kaming tricycle, nauna siya nang kaunti. Kung iniwasan lang ako, hindi ako matatamaan,” sabi ni Ricardo.
Ayon kay Police Colonel Diosdado Fabian, Angeles City Police Office director, patuloy silang naghahanap ng iba pang CCTV footage para matukoy ang pagkakakilanlan ng tumakas na driver ng pick-up truck.
“May mga nasa-post na noong bumaba siya, tiningnan niya ‘yung sasakyan niya tapos sumakay siya ulit, ‘yun ‘yung nandoon sa pictures. Naghahanap pa kami ng ibang CCTV [footages] sa mga nadaanan,” ayon kay Fabian.
Samantala sa Villasis, Pangasinan, isa ring pick-up truck ang nasangkot sa aksidente na ikinasawi ng driver nito, at rider ng motorsiklo na kaniyang nabangga.
Ayon sa pulisya, unang nabangga ng pick-up truck ang nakaparadang motorsiklo sa gilid ng kalsada. Sunod niyang tinumbok ang isang nakaparadang tricycle.
Matapos niya ay napunta sa kabilang bahagi ng kalsada ang pick-up truck at bumangga naman sa isang paparating na truck.
“Binabagtas itong Villasis-Malasiqui road in a high speed. Nahagip niya ‘yung nakaparadang motorsiklo sa may glid ng kalsada and after that nun’s nabangga niya ‘yun, dumiretso siya doon sa may tricycle na nakaparada din,” sabi ni Police Major Glenn Dulay, hepe ng Villasis Police Station.--FRJ, GMA News