Patay ang isang ginang matapos suwagin ng kalabaw sa Lamitan City, Basilan.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Linggo, base sa impormasyon ng GMA Regional TV One Mindanao, patungo sa binabantayang rubber plantation ang 67-anyos na biktima nang hindi mapansin ang kalabaw.

Ayon sa ulat, patay na ang ginang nang matagpuan sa damuhan. Wala na siyang damit at may pasa sa katawan.

Walang nakikitang foul play ang pulisya dahil nakita ang ilang piraso ng kaniyang damit sa sungay ng kalabaw.

Saad din ng kamag-anak ng biktima, sadiyang nanunuwag ang kanilang alagang kalabaw. — Alzel Laguardia/RSJ, GMA News