Patay sa pananaksak ng ka-live in ang isang babae sa Balayan, Batangas. Nasawi rin ang kapitbahay na pinaghihinaan na kalaguyo umano ng biktima. Pero itinanggi ng anak ng babae na may relasyon ang dalawa.
Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Analyn Alico, 36-anyos, at kapitbahay niyang si Edison Nucop, 35, kapuwa residente ng Barangay San Piro.
Kaagad namang naaresto at umamin umano sa krimen ang suspek na kinakasama ni Alico na si Remegio Doble, na kilala rin bilang Michael.
Nang makapanayam habang nakakulong sa police station, sinabi ni Doble na hindi siya nagsisisi dahil sa pambababoy na ginawa umano sa kaniya ng dalawa.
Pero itinanggi ng panganak na anak ni Alico na may relasyon ang kaniyang ina at si Nucop.
"Tamang hinala po. Halos lahat ng nagpupunta sa bahay namin na lalaki pinaghihinalaan niya na kabit daw po ng mama ko," ayon kay Angel.
Bukod sa matinding galit ng suspek, tinitingnan din ng pulisya ang anggulong paggamit ng ilegal na droga ni Doble. --FRJ, GMA News