Patay ang isang rider matapos matumba ang kaniyang motorsiklo nang masagi ng isang multi-cab na dahilan para magulungan siya ng fuel tanker sa Minglanilla, Cebu.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa highway sa bahagi ng BarangayLinao-Lipata.
Kinilala ang mga awtoridad ang biktima na kaagad nasawi na si Domingo Aquino Jr., 55-anyos.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita si Aquino na umaarangkada na halos kasabay ng tanker na minamaneho ni Luis Villarazo.
Makikita rin sa footage ang isang multicab na nakaparada sa tabi ng kalsada. Pero bigla itong umandar at nasagi ang motorsiklo ng biktima.
Dito na natumba ang biktima at napunta sa linya ng tanker at nagulungan siya.
Nasa kostudiya ng pulisya si Villarazo habang hindi naman binanggit sa ulat kung ano ang nangyari sa driver ng multicab.--FRJ, GMA News