Ilang araw bago pumanaw, nakuhanan ng video ang isang batang lalaki na apat na taong gulang habang isinusumbong ang ginagawa umanong pagmamaltrato sa kaniya ng kaniyang madrasta sa Bamban, Tarlac.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Jericho Galang, ng Barangay Anupul.
Sa video, sinasabing nagsusumbong si Galang sa kaniyang tiyahin sa nararanasang pananakit umano na kaniyang madrasta.
Sinusuntok umano siya, pinapakain ng sili at tinutusok-tusok sa tiyan.
Nangyayari raw ang pagmamaltrato habang nasa Maynila ang ama ng bata para magtrabaho, ayon sa tiyahin ng biktima.
Nang masawi ang bata, mayroon umanong sugat sa ulo at katawan ang biktima.
"Yung maselang bahagi ng pamangkin ko, tinali. May sugat-sugat pa nga. Tapos yung sa ulo niya inuntog sa pader. Pina-check-up ko siya sa pedia, pinadala na siya sa surgeon dahil ganun na yung kalagayan niya," ani Gema Galang, tiyahin ng biktima.
Sa death certificate ng bata, lumitaw na nagkaroon siya ng septic shock. Sa naunang medical certificate bago namatay, bukod sa septic shock ay nagkaroon din ng biktima ng multiple abrasion sa katawan.
"Sobrang sakit po. Kahit pamangkin ko lang sila inaagaan ko sila. Gusto ko sana makulong lahat ng may sala sa bata," sabi ni Gema.
Iniimbestigahan na ng awtoridad ang insdidente at hinihintay ang resulta ng pagsusuri ng medico-legal sa mga labi ng bata para sa gagawing pagsasampa ng reklamo laban sa suspek.
Sinisikap pang makuha ang pahayag ng suspek, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News