Sa paniniwalang kinukulam ang kanilang ina, inabangan at ginilitan umano ng magkapatid na lalaki ang sarili nilang kamag-anak na babae sa San Luis, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nakaligtas at nagpapagaling na sa tinamong sugat sa leeg ang 54-anyos na biktima na si Angelina Calaluan.
Suspek sa krimen ang magkapatid na Roderick at Arnold de Chaves, na pinsan mismo ng biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na pauwi ang biktima mula sa pamimili noong Sabado nang biglang sumulpot ang magkapatid na suspek sa isang eskinita.
Sinakal umano ng magkapatid at ginilitan ang biktima. Pero nagawang makasigaw ang ginang at nadinig ng kaniyang anak na mabilis na sumaklolo.
Tumakas ang magkapatid pero naaresto sa follow-up operation si Roderick, habang patuloy na hinahanap si Arnold.
Ayon sa pulisya, maysakit ang ina ng magkapatid na de Chaves at ipinatingin ito sa albularyo. Sinabi umano ng albularyo na kinukulam ang ginang at si Calaluan ang may kagagawan.
Tumangging magbigay ng pahayag si Roderick, habang sinisikap din na mahingan ng panig ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News