Sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng isang barangay kagawad sa Naga, Cebu matapos na makuhanan ng video ang lokal na opisyal na gumagamit umano ng ilegal na droga. Inaabuso rin daw nito ang mga kabataan na pinapagamit niya ng droga sa bahay.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-Region 7) ang suspek na si Reynante Chiong, kagawad ng Barangay Mainit sa nasabing lungsod.
Sinalakay ng PDEA, kasama ang mga tauhan ng pulisya at barangay, ang bahay ni Chiong sa bisa ng search warrant.
Nakita sa bahay ni Chiong ang 11 sanchet na may laman na hinihinalang shabu.
"Hindi ko alam anong nangyari, I don't know kung ano 'yan," anang suspek.
Ayon kay PDEA-R7 Director Levi Ortis, may nagbigay sa kanila ng impormasyon tungkol sa ilegal na aktibidad ni Chiong.
Bukod sa paggamit ng ilegal na droga na isinasagawa sa kaniyang bahay, inirereklamo rin si Chiong na inaabuso ang ilang kabataan na pinapagamit umano niya ng shabu.
Hindi naman itinanggi ni Chiong na gumagamit siya ng droga, pero ang mga kabataan umano ang nagpupunta sa bahay niya na may dalang ilegal na droga.
Mahaharap sa patong-patong na reklamo si Chiong.--FRJ, GMA News