Napa-throwback ang netizens sa tradisyong Pinoy matapos na gamitin ng isang bagong kasal ang karitong hinihila ng kalabaw bilang kanilang bridal car sa Peñablanca, Cagayan.

Sa ulat ni Joanne Punsoy ng GMA Regional TV News, makikita ang ilang larawan ng bagong kasal ng Pilipinang si Sabel Mora Taylor at Australyano niyang asawa na si Andrew Taylor.

"The reason we used a cart was because my wife is a princess, and all princesses travel in carts. So I thought we'll get a carabao, because that's the native animal around here. Everyone has a carabao," sabi ni Andrew.

"So we thought we decorate a cart and get a carabao to pull us along and use it for my wife, because she's a princess," dagdag ni Andrew.

Tuloy ang kasal kahit bumuhos ang ulan. Ayon sa mag-asawa, lulubog sa maputik na lupa ang gulong kung ibang sasakyan ang kanilang gagamitin.

Para mapabilis na ang biyahe sa nag-aantay na groom at mga bisita sa simbahan, gumamit ng kariton o kareta sa salitang Itawis, bilang bridal car ni Sabel.

"Nakatataba ng loob. Kahit na umulan, it's a blessing," anang ginang.

Umabot ng mahigit dalawang milyong views, libo-libong shares, comments at reactions ang video nina Sabel at Andrew.

Karaniwang inilalagay ng mga magsasaka sa kareta ang kanilang mga inaning mais para madaling maibiyahe ang nasabing produkto.--Jamil Santos/FRJ, GMA News