Napatakbo ang isang pulis sa checkpoint ng "Oplan Sita" sa Alaminos City, Pangasinan nang biglang bumunot ng patalim ang isang lalaki na unang sinita dahil sa pagmamaneho ng motorsiklo nang walang suot na helmet.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pagtakbo ng pulis patungo sa kabilang bahagi ng kalsada.
Nakasunod naman sa kaniya ang isang lalaki na may hawak ng patalim. Maya-maya lang, napaluhod ang lalaki at itinutusok ang patalim sa kalsada.
Dito na nakakuha ng pagkakataon ang mga pulis na sunggaban siya at agawin ang hawak niyang patalim.
"After the arrest, nakainom yung suspek. At during the interview, ito ang sinasabi niya na gusto na niyang mamatay. Kasi nagkaroon siya ng sama ng loob, nagkaroon siya ng kaaway sa pamilya," sabi ni Police Leiutenant Colonel Leonard Paredes, hepe ng Alaminoy City Police Station.
Kuwento ng pulis na napatakbo na si PSSG Richard Maure, sunod na sa pila ang suspek nang bigla raw itong bumunot ng patalim kaya napatakbo siya.
"Sabay bunot na siya [ng patalim], nabigla ako kumbaga hindi ako ready, dumistansiya ako," ayon sa pulis.
Lasing umano ang lalaki na mahaharap sa reklamong direct assult.
Sinusubukan pang makuha ang pahayag ng suspek, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News