Ipinatigil muna ni Bohol Governor Aris Aumentado ang pagbiyahe sa Virgin island sa Panglao habang iniimbestigahan ang nag-viral na post tungkol sa sobrang mahal ng seafood na ibinebenta sa mga turistang bumibisita roon.
Sa pahayag na naka-post Facebook, sinabi ni Aumentado na naalarma ang lokal na pamahalaan tungkol sa viral post ng isang grupo ng mga turista na nagsabing umabot sa P26,000 ang binayaran nilang seafood sa isla.
Nagpatawag si Aumentado ng emergency meeting para talakayin ang naturang usapin.
Pinasalamatan naman ng Department of Tourism ang lokal na pamahalaan ng Bohol at Panglao sa mabilis na pag-aksyon.
"The alleged overpricing of seafood by vendors in Virgin Island, Panglao, Bohol is a matter that the Department of Tourism (DOT) takes seriously especially as it concerns the welfare of tourists whose continued support for our destinations is critical to the recovery of the tourism industry," sabi sa pahayag ni Tourism Secretary Christina Frasco.
"My office has been in touch with the LGUs, and I thank Governor Aris Aumentado and Mayor Boy Arcay for immediately initiating an investigation into this matter, and taking initial steps at regulation," dagdag niya.
Sa isang ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nagtungo sa isla si Arcay para personal na makita ang sitwasyon at makausap ang mga vendor.
Isa sa mga mungkahi ng alkalde ang paglalagay ng price tag sa mga itinitindang seafood.
Ayon sa mga vendor, binibili rin nila ang mga seafood na kanilang itinitinda.
Nangangamba sila sa magiging epekto sa kanilang kabuhayan dahil sa nangyari.
Nakausap naman ng GMA Regional TV News ang isa sa mga kasama sa grupo ng turistang nagbayad ng P26,000 na halaga ng kinain nilang seafood.
Aniya, 13 sila sa grupo at may karamihan din naman ang kanilang naorder. Pero sadya raw talagang mahal ang presyo ng pagkain.
"Iba-iba ang order ng bawat isa sa amin. Nagtanong yung husband ko sa presyo kasi bago kami nagpunta sa Virgin Island, nag-research na rin siya lalo na sa mga presyo," sabi niya.
Dahil ayaw na raw nilang lumaki pa ang isyu, binayaran nila ang P26,000 na kanilang kinain at nabigyan sila ng P1,100 na discount.
Hindi rin daw nila inakala na magba-viral ang post ng kanilang kaibigan.
Payo niya sa mga turistang pupunta sa naturang isla, magdala na lang ng sariling pagkain. --FRJ, GMA News