Pinaniniwalaan na ang lindol na tumama sa Northern Luzon noong nakaraang linggo ang dahilan kaya napadpad sa mababaw na bahagi ng dagat at aksidenteng nalambat ang isang grupo ng mga dolphin sa Aparri, Cagayan.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa "GMA Regional TV News" nitong Miyerkules, sinabing anim na bottlenose dolphin ang aksidenteng nalambat ng mga mangingisda sa Barangay Dodan.
Wala namang tinamong sugat ang naturang mga marine mammals na tinulungan ng mga mangingisda at kapulisan na makabalik sa malalim na bahagi ng dagat.
Ayon sa pulisya, habang nagpapatrolya pa ang tropa, may namataan din silang pawikan.
Nangyari umano ang insidente ilang saglit makaraang tumama ang magnitude 7 na lindol sa Northern Luzon noong Miyerkules.
Paliwanag ng isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-Region 2), posibleng makaranas ng disorientation ang mga marine creature kapag may nagaganap na lindol.--FRJ, GMA News