Tinatayang aabot na sa 125 na pamilya ang pansamantalang inilikas sa lalawigan ng Antique dahil sa matinding pagbaha dahil sa malalakas na ulan na dulot ng Habagat.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita batay na rin sa report ng GMA Regional TV One Western Visayas, nagmula sa mga bayan ng Hamtic, Sibalom, at San Jose ang mga pamilyang inilikas bunsod ng walang tigil na ulan na pinalakas pa ng bagyong Ester.
Agad naman umanong nagbigay ng tulong ang Department of Social Welfare and Development VI sa mga nasalantang pamilya.
Ayon sa Antique Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, may mga naitalang pagguho ng lupa sa dalawang barangay sa Sibalom.
Wala namang naitalang nasawi o nasaktan sa sakuna. —Alzel Laguardia/LBG, GMA News