Inireklamo ng ilang residente ang isang pagawaan ng hopia sa Kawit, Cavite na maingay umano at inaabot ang operasyon nang hanggang madaling araw. Ang ilang apektadong nakatatanda, hindi raw makatulog.
Sa Sumbungan ng Bayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inireklamo ni Celia, hindi niya tunay na pangalan, ang katapat nilang pabrika sa Kalye Legaspi sa Barangay Binakayan.
"Inaabot po sila ng madaling araw, 12 a.m. pasado, 1 a.m., 2 a.m., 3 a.m. Dapat hanggang 10 p.m. lang sila eh," sabi ni Celia.
Bago nito, nasunog ang dating pabrika kaya panandalian itong inilipat sa lugar nina Celia noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Maliban sa maingay na paggawa ng hopia, nagpapatugtog din ng radyo ang mga manggagawa.
"'Yung dalawang senior citizen ho na kasama kong magreklamo, hindi ho nakakatulog nang maayos. Laging mataas ang BP. Kaya ho kami nagrereklamo at humihingi ng tulong sa inyo, kasi apektado na po ang aming kalusugan," sabi pa ni Celia.
Sinabi ni Atty. Ryan Escalada ng Business Permit and Licensing Office ng Kawit, Cavite, na may kaukulang permiso ang pabrika mula sa kanilang lokal na pamahalaan.
Gayunman, tatlong beses na umanong nagharap sa barangay ang mga residente at ang pabrika ng hopia at nakarating na sa kanilang tanggapan ang sumbong, at kanila nang iniimbestigahan.
Paliwanag naman ni Yang Reyes, may-ari ng pabrika, inaabot sila kung minsan ng 10 pm kapag nagkaroon ng biglaang order mula sa kanilang distributor.
"Hindi naman po siya talaga ganoon kaingay. Minsan umaabot kami ng 10 pm. May mga distributor po kasi kami na umu-order nang biglaan," paliwanag ni Reyes.
"Napagsasabihan lalo na po [ang mga trabahador]ngayon na umabot pa sa ganito. Pakiusap ko sa kaniya, alas otso ng gabi. Sinabi ko na rin iyon sa tao namin na wala nang gagawa, walang lalampas ng alas otso ng gabi," dagdag pa ni Reyes.
Kung magpapatuloy ang perwisyo, maari umanong dalhin ni Celia sa korte ang reklamo laban sa pagawaan ng hopia.
"Ang ipa-file nila, petition for abatement of nuisance na may kasamang injunction na ipatigil ang operasyon ng pabrika ng hopia. Kasama sa petisyon ang prayer for damages para mabigyan ng danyos perwisyos ang mga naabala sa pagawaan," sabi ni Atty. Francis Dominick Abril, isang volunteer lawyer.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News