Naghihigpit sa kanilang mga border ang Iloilo City bilang pag-iingat laban sa bird flu.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas ni Kaitlene Rivilla sa Unang Balita, 30 araw na ipagbabawal ng lokal na pamahalaang-lungsod ang pagpasok ng mga poultry product na mula sa ilang lugar sa Luzon at sa Mindanao na apektado ng bird flu.
Iniutos ni Iloilo City Mayor Gerry Treñas na ipagbawal ang pagpasok livestock at poultry products kasunod ng panawagan ng poultry raisers sa lungsod laban sa epekto ng bird flu sa kanilang kabuhayan.
Ipinatupad simula nitong Huwebes ang kautusan na magtatagal ng 30 araw.
Bawal muna ang pagpasok ng poulty products at livestock gaya ng ibon, manok, pato, at iba't ibang uri ng itlog mula sa mga sumusunod na lugar:
- Pampanga
- Tarlac
- Bulacan
- Nueva Ecija
- Benguet
- Isabela
- Laguna
- Camarines Sur
- North at South Cotabato
- Maguindanao
Sinabi ni Dr. Tomas Forteza, head ng Iloilo City veterinary office, na may sapat na supply ang lokal na poultry raisers ng lungsod.
Dagdag niya, walang dahilan na magtaas ang presyo ng naturang mga produkto dahil sapat naman umano ang local supply. —LBG, GMA News