Isang 31-anyos na buntis ang inabutan ng panganganak sa loob ng tricycle sa Sta. Barbara, Pangasinan.
Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing dadalhin sana sa ospital ang ginang na si Catherine Calayo pero lumabas na ang ulo ng sanggol habang nasa tricycle siya.
Ayon kay Calayo, gabi noong July 3 nang magsimula siyang mag-labor. Kinabukasan, dinala siya sa municipal birthing center.
Pero dahil sarado pa ang tanggapan, dinala si Calaya sa tanggapan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
"Gusto nila itakbo nila ako sa ospital [pero] hindi ko na po kaya kaya dun po, inabutan po ako sa tricycle," kuwento niya.
Maayos na nakapanganak si Calayo sa tulong ng mga kawani ng MDRRMO.
"Saktong ang naka-duty sa amin isang registered midwife so siya na ang nagpaanak kasi lalabas na yung bata," ayon kay Raymondo Santos, Sta. Barbara MDRRMO Officer.
Labis ang pasasalamat si Calayo sa mga tauhan ng MDRRMO sa ginawang pagtulong sa kaniya at sa kaniyang sanggol.--FRJ, GMA News