Sa kulungan ang bagsak ng isang babaeng estudyante sa Bukidnon na nagpapanggap umanong lisensyadong dentista at nagkakabit ng do-it-yourself (DIY) braces kahit walang malinis at sapat na kagamitan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Shaira Madaya, 22-anyos, isang education student.
Nakita si Madaya sa surveillance video ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bukidnon na nagsasagawa ng dental procedure sa isa sa mga undercover agent.
Agad na kumilos ang mga tauhan ng CIDG at dinakip ang suspek at kaniyang assistant na lalaki nang iabot na sa kaniya ang bayad.
Sinabi ng CIDG na 2016 pa inireklamo ng Philippine Dental Association Bukidnon chapter ang suspek dahil hindi siya awtorisado na magsagawa ng dental procedure sa kaniyang mga kliyente.
Ayon kay Police Major Gilbern Banderado, hepe ng CIDG Bukidnon, may home service ang suspek, at may mga kliyente rin na pumupunta naman sa kaniyang bahay para doon niya ikabit sa kanila ang mga braces.
"Nagkakabit nga sila ng fake na braces, hindi talaga sterile 'yung place. Wala silang mga gamit nila, ni gloves nga, wala kaming nakita. Lalo na ngayon, hindi pa rin nawawala 'yung pandemic so talagang serious itong problema na ginagawa nila," sabi ni Dr. Samuel Ara, Presidente ng Philippine Dental Association Bukidnon.
Kinumpiska ng mga awtoridad ang mga gamit at DIY braces na ikinakabit ng suspek.
Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ni Madaya, ayon sa ulat. --Jamil Santos/FRJ, GMA News