Naaresto na ng mga awtoridad ang suspek sa pagpatay sa isang 24-anyos na babaeng industrial engineer sa Malolos, Bulacan.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing dakong 4:00 pm nang maaresto ng mga pulis sa Bulacan ang suspek.

Nitong nakaraang Martes nakita ang bangkay ng biktima na si Princess Dianne Dayor sa masukal na bahagi ng hangganan ng Guiguinto-Malolos.

Bago nito, iniulat na nawawala si Dayor mula pa noong Sabado matapos na hindi siya dumating sa kaniyang trabaho.

Sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na panggagahasa ang pakay ng salarin sa biktima na nauwi sa pagpatay at pagnanakaw.

Mayroong kasuotan ang biktima nang makita ang kaniyang bangkay na nagsisimula nang maagnas. May bakas ng sakal sa kaniyang leeg at nawawala ang kaniyang cellphone.

Una nang inihayag ng pulisya na posibleng kilala ng biktima ang suspek na residente rin sa lugar.– FRJ, GMA News