May suspek na ang mga awtoridad sa pagpatay sa 24-anyos na si Princess Diane Dayor sa Bulacan. Nilinaw din ng pulisya na hindi magkakaugnay ang iba pang insidente ng mga babae sa Bulacan na inireport na nawawala.
Naging usap-usapan sa social media kamakailan ang pagkawala umano ng ilang kababaihan sa Bulacan, na nagdulot ng pangamba sa mga magulang.
Nakadagdag pa sa pangamba ang nangyari kay Dayor na ilang araw na nawala at natagpuang patay sa Malolos, Bulacan.
"'Yung reported na sinasabing missing ay hindi po siya konektado dito sa isang insidente na ito. It was an isolated incident of robbery and homicide," paglilinaw ni Bulacan police director Police Colonel Charlie Cabradilla sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes.
"Ang iba naman na reported na kinokonekta rito ay they are just a result of a family problem. 'Yung iba naman ay may kondisyon [mental health issue]," dagdag ni Cabradilla.
Sinabi ni Cabradilla, na isa sa mga napaulat na nawawalang menor de edad ay nagkaroon umano ng mental depression kaya umalis ng bahay.
Samantalang nakabalik na raw ang tatlong menor de edad na unang napaulat din na nawawala.
Tungkol sa kaso ni Dayor, sinabi ni Cabradilla na may suspek na sa pagkamatay ng biktima. Hindi tinukoy kung sino ito pero nakatira daw ang suspek malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Tinitingnan ng pulisya ang kaso ni Dayor bilang robbery at homicide.
Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya kung pinagsamantalan ang biktima pero nakabihis si Dayor nang matagpuan ang kaniyang bangkay.
May bakas na sakal sa biktima at nawawala ang kaniyang cellphone. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News