Napatay ng militar sa engkuwento ang isang lalaki na pinaniniwalang bomb courier. Ang suspek, hindi raw tumigil sa checkpoint sa Lamitan City, Basilan na inilatag ng militar.
Sa ulat ni PJ Dela Pena sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente noong Miyerkules ng gabi. Posible umanong gagamitin ang bomba sa Lami Lamihan Festival, ayon sa awtoridad.
Naglatag umano ng checkpoint ang mga sundalo sa Barangay Sabong matapos makatanggap ng impormasyon na may magbibiyahe ng IED mula sa Tipo-tipo papuntang Lamitan.
Dalawang lalaki umano na sakay ng motorsiklo ang hindi tumigil sa checkpoint kaya hinabol ang mga ito na nauwi sa engkuwentro.
Napatay ang angkas ng motorsiklo habang nakatakas naman ang kasama nitong rider.
Nakilala ang napatay na suspek na si Adil Akarab, dati umanong miyembro ng Abu Sayyaf Group.
Nakuha sa kaniyang ang isang sako na may laman na kalas na M-16 Armalite rifle, mga bala, ammonium nitrate fuel oil (ANFO), at 60-millimeter mortar shells.
Hinihinala ng mga awtoridad na ang napatay na suspek ay mula sa grupong nasa likod ng magkakahiwalay ng insidente ng pambobomba sa Basilan.--FRJ, GMA News