Nagimbal ang mga taga-Libon, Albay nang madiskubre ang anim na kalansay na mga biktima umano ng Concepcion Criminal Group.
Nahukay ang mga kalansay sa isang bundok, ayon sa ulat ni Jessie Cruzat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.
Ayon sa NBI Bicol, dalawa sa mga biktima ay ang magkapatid na sina Gilbert at Glenn Quimzon na nawala noong Hunyo 21.
Ang isang biktima ay ang umano'y contractor na si Isabel Razon, habang ang isa ay ang fish vendor na pinaniniwalaang asset ng Philippine National Police.
Ang dalawa pang biktima ay sinasabing taga-Camarines Sur.
Ayon kay NBI Bicol Agent Jessie Jimenez, brutal ang pagkakapatay sa mga biktima.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, makikipagkita ang magkapatid sa isang contractor umano para maningil, ngunit dinakip daw ang magkapatid hanggang hindi na sila nakauwi.
Mahigit na isang dekada na raw na aktibo ang Concepcion Criminal Group sa Bicol at sangkot ito sa iba't ibang kaso tulad ng murder at extortion.
Ayon sa NBI, maaaring may 30 pang labi ng mga biktima ang inilibing sa nasabing bundok. —KG, GMA News