Isang lalaking nagmamaneho ng garong ang nasawi matapos na mahulog sa irigasyon at nalunod sa Isabela. Pero bago ang insidente, nabundol muna ng biktima ang isang baka na nasa tabi ng daan.
Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Juanito Serrano, 53-anyos, isang magsasaka.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na galing sa inuman ang biktima at pauwi na sakay ng minamaneho niyang garong, isang uri ng tricycle.
Pero pagdating sa bahagi ng Barangay San Antonio sa Cauayan City, nabundol umano ng biktima ang isang baka na nasa gilid ng kalsada.
Dahilan ito para mawalan ng kontrol sa garong ang biktima hanggang sa mahulog siya sa irigasyon at nalunod.
Ayon kay Police Lieutenant Escarlette Topinio, PIO, Cauayan City Police Station, kombinsido ang asawa ng biktima na aksidente ang nangyari dahil nakita niya ang baka na sinasabing nabangga ng kaniyang mister.
Pero humiling ng tulong pinansiyal ang kaanak ng biktima sa may-ari ng baka na tinutukoy pa ng mga awtoridad kung sino.--FRJ, GMA News