Nahuli-cam ang isang bus na umuusad habang nagliliyab sa ACTEx sa sakop ng Calamba City, Laguna nitong Linggo.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, makikita ang makapal na usok at nilalamon na ng apoy ang bus habang nasa gitna ng daan sa ACTEx na sakop ng Barangay Milargosa sa Calamba City, noong Linggo ng umaga.
Dahil sa nasusunog na bus, bahagyan naapektuhan ang daloy ng trapiko.
Umusad pa ang bus kahit na nagliliyab na.
Ayon sa Bureua of Fire Protection-Calamba, sinabi ng driver ng bus na hindi na kumagat ang hand break nang tumigil siya.
Binabagtas daw ng bus ang south bound lane at papunta sana sa batangas nang may biglang sumiklab na apoy.
"Habang siya ay nagmamaneho parang may naamoy na nasusunog. Diretso lang daw hindi niya pinansin, until maitabi niya. Hindi na kumagat yung hand brake, so yun hanggang tuluyan nang masunog ang sasakyan," ayon kay Fire Officer 3 Jose Potenciano Garcia, PIO Section BFP, Calamba.
Kaagad naman rumesponde ang BPF nang itawag sa kanilang ang insidente.
Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog pero lumilitaw sa paunang imbestigasyon na nag-overheat ang sasakyan.
Wala namang nasaktan sa naturang insidente. — FRJ, GMA News