Nasugatan ang isang batang tumatawid sa pedestrian lane nang nabundol at makaladkad siya ng humaharurot na tricycle sa Agoo, La Union.
Sa ulat ni Jasmie Gabriel Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang bata kasama ang kaniyang ina habang naglalakad sa gilid ng McArthur Highway sa bahagi ng Barangay Consolacion sa Agoo.
Nang nasa pedestrian lane na sila, tumawid ang mag-ina. Nasa gitna na sila nang biglang tumakbo ang bata.
Sakto naman na biglang sumulpot ang isang humaharurot na tricycle kaya nabundol at nakaladkad niya ng ilang metro ang biktima.
Nagtamo ng mga galos at bukol ang biktima.
"Kailangan sa mga tricycle dapat naman huwag silang mag-apura. Kasi hindi natin alam lalo na sa approaching ng pedestrian lane, hindi natin alam kung ano ang desisyon ng isang naglalakad along the highway kung tatawid o ano. The best diyan is precautionary," sabi ni Brgy. Chairman Reynaldo Selin.
Hindi na kinasuhan ang driver ng tricycle sa kasunduan na tutulong siya sa pagpapagamot sa biktima.
Ayon kay Katleen Salayog, ARD, LTO-Region 1, ang mga pedestrian ang may prayoridad sa pedestrian lane.
"Supposedly, safe ka kapag nandyan ka sa (sa pedestrian lane) so dapat itong mga motorist natin the moment na nag-approach sila sa pedestrian lane dapat cautious sila," ani Salayog.--FRJ, GMA News