Patay na at nagsisimula nang maagnas ang bangkay ng isang 20-anyos na college student nang matagpuan sa madamong bahagi sa gilid ng Venecia Highway sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing ilang araw nang nawawala ang biktima na kilalang si Aaron Fernandez, residente ng Barangay Poblacion Oeste, at 2nd year hospitality student.
Ayon sa ama ng biktima na si Anthony, kung saan-saan sila naghanap ng mga kakilala na puwedeng mahingan ng tulong para sa hustisya ng anak.
"Napakalambing nung anak ko. Laging nagmamano 'yan pag-uwi ng bahay. Mapagmahal yung anak ko," sabi pa ni Anthony.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na June 14 nang umalis ng bahay ang biktima at hindi na nakauwi mula noon.
Nakita umano ang biktima na sumakay ng kotse paalis ng barangay.
May nakita ring sugat sa ulo ng biktima na posible umanong pinalo ng matigas na bagay.
Iniimbestigahan pa ang motibo sa pagpaslang sa biktima at mayroon na ring person of interest ang pulisya.
Ayon kay Police Leiutenant Colonel Abubakas Mangelen Jr., hepe ng Dagupan City police station, isinailalim sa awtopsiya at DNA ang mga labi ng biktima.
Inihayag naman ni Police Major Ria Tacderan, Acting PIO, Pangasinan Police Provincial Office, na isang 29-anyos na lalaki ang umamin umano na siya ang responsble sa pagkawala ni Aaron.
Pero tumanggi muna si Tacderan na ihayag ang pangalan ng lalaki habang patuloy pa ang imbestigasyon. --FRJ, GMA News