Marami ang interesadong ampunin ang isang bagong silang na sanggol na nakitang inabandona sa isang basurahan sa Luna, La Union.
Sa ulat ni Jasmien Gabriel-Galban sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nakita ang sanggol na babae sa basurahan sa likod ng isang bahay.
Malusog ang sanggol nang matagpuan at kaagad siyang dinala sa pagamutan para masuri.
Ayon sa pulisya, bagong silang lang ang sanggol at may bakas pa ito ng dugo.
Nagsasagawa na sila ng imbestigasyon para malaman kung sino ang nag-abandona sa sanggol.
Nakalabas na ng ospital ang sanggol at kasalukuyang nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Marami umano ang nagpahayag ng intensiyon na ampunin ang sanggol. Pero sinabi ng DSWD na kailangang dumaan sa proseso ang pag-ampon alinsunod sa bagong batas na Republic Act 11642, o ang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act.
Ayon kay Maureen Credo, adoption focal person ng DWSD Region1, mas pinasimple na ngayon at hindi magastos ang pag-aampon.
Kailangan lamang maghain ng petisyon ang nais mag-ampol sa National Authority for Child Care, na bagong attached agency ng DSWD.--FRJ, GMA News