Kritikal ngayon sa ospital ang isang batang babae matapos madaganan ng puno ng niyog ang kanilang bahay sa bayan ng Margosatubig, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, napag-alaman mula sa mga pulis na natutulog ang batang kilinalang si Joy Tumutod, kasama ng kanyang mga kapatid, at ina sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.
Dahil sa lakas ang ulan at hangin, nabuwal ang puno ng niyog at bumagsak sa kanilang bahay.
Nawasak ang bahay at napuruhan sa ulo ang biktima. Nabalian din siya ng buto sa likod at sa dibdib kaya hirap siyang magsalita.
Humihingi ng tulong ang mga magulang para sa pagpapagamot sa bata. —LBG, GMA News