Isang dayuhan ang nasawi matapos masunog ang kaniyang sasakyan sa Sta. Lucia, Ilocos Sur.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente kaninang umaga sa Barangay Luba sa nasabing bayan.

Makikita sa kuha ng cellphone video ang pagsisikap ng mga awtoridad na maapula ang nasusunog na sasakyan.

Ayon sa pulisya, nakita ang nasawing biktima sa tabi ng kaniyang sasakyan.

Ang biktima ay isang 50-anyos na Syrian national na nakapag-asawa ng Pinay sa lugar.

Sinabi ni Police Major Marcelo Martinez, hepe ng PCADU, Ilocos Sur, PPO, na patuloy pang  iniimbestigahan ang naturang insidente at ano ang dahilan ng pagliyab ng sasakyan.

Pero batay umano sa pahayag ng pamilya ng biktima, nagkaroon na umano ito ng suicide attempt noon.

"Hindi pa natin sinasabi na ito'y isang suicidal incident dahil under investigation pa," paglilinaw niya.--FRJ, GMA News