Nahuli-cam ang tensiyonadong tagpo sa Ipil, Zamboanga Sibugay matapos i-hostage ng isang lalaki na armado ng baril ang isang babae sa labas ng tanggapan ng Land Transportation Office (LTO).
Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong Lunes ng hapon.
Ayon sa pulisya, nakilala ang suspek na si Eduardo Andres, residente ng Tungawan sa Zamboanga Sibugay.
Pupunta umano si Andres sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng pulisya para sumuko sa hindi malamang dahilan.
Ayon kay Police Corporal Juanito Salazar Jr., imbestigador, wala namang silang nakitang record ng krimen na kinasangkutan ni Andres.
Pero habang papunta umano ang suspek sa CIDG, bigla itong bumaba sa sinasakyang tricycle at pumasok sa tanggapan ng LTO.
Humingi umano ito ng tulong dahil may papatay daw sa kaniya. Pero kinuha niya ang isang babae at doon na nagsimula ang hostage taking.
Armado ng kalibre .45 na baril si Andres habang hawak niya ang babae sa labas ng tanggapan ng LTO.
Nakaposisyon naman ang mga awtoridad sa gilid ng isang sasakyan habang nakikipagnegosasyon.
Maya-maya pa, nadinig na ang isang putok ng baril at nakawala ang bihag na tumakbo papunta sa mga awtoridad.
Patay naman ang suspek na tinamaan ng bala sa ulo.
"Ang suspek wala siyang kaso. Wala siyang nagawang krimen. Ang kuwento niyan may humahabol daw sa kaniya na naka-helmet kaya tumakbo siya. Dahil daw siguro sa kaniyang...parang na-trauma siya sa dati daw nangyari sa kaniya," ani Salazar.
Ayon sa mga kaanak, may problema raw ang suspek bago mangyari ang insidente.
Inaalam ngayon ng pulisya kung sino ang may-ari ng baril na nakuha kay Andres.--FRJ, GMA News