Positibong ginahasa ang limang-taong-gulang na babae na nakitang patay at nakasilid sa plastic bag sa Batangas City. May indikasyon din na pinahirapan siya.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, sinabing inaresto ang 23-anyos na suspek na kapitbahay ng biktima pero itinanggi niya ang mga paratang laban sa kaniya.
Nitong Sabado nakita ang bangkay ng biktima sa likod ng bahay ng suspek sa Barangay Wawa. Bago nito, nawala ang biktima matapos na manood ng basketball.
Sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ng biktima, sinabi ng mga awtoridad na positibong pinagsamantalahan ang bata. Sinakal din siya gamit ang tali.
"Makikita po natin na duguan po parang medyo may pasa-pasa ang bata, parang ito'y pinahirapan muna bago pinatay. 'Yon po ang ginawa ng suspek sa bata," sabi ni Police Captain Richard de Guzman, chief investigator, Batangas City Police.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, may nakitang mga bakas ng dugo sa banyo ng bahay ng suspek na kapitbahay ng biktima.
Inaresto ang suspek pero itinanggi niya ang paratang dahil umalis daw siya at may trabaho nang mangyari ang krimen.
Pero kombinsido ang tiyahin ng biktima na ang suspek ang may gawa ng karumal-dumal na krimen.
Napag-alaman na nakulong na ang suspek at nakalaya noong 2019 dahil sa ilegal na droga.
Nang isailalim sa drug test ang suspek, nagpositibo siya sa droga.
Sinampahan na siya ng reklamong rape with homicide.--FRJ, GMA News