Isang babae ang bigla na lang nagwala at nagsisigaw habang abala ang mga tao sa paghahanap sa listahan sa isang paaralan sa Lapu-lapu City, Cebu kung saan presinto sila boboto.
Sa ulat ni Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing mabilis na dumami ang mga botante sa Basak Elementary School kaninang umaga.
Naging siksikan umano ang mga tao na naghahanap ng presinto kung saan sila boboto.
Maya-maya lang, nagkagulo ang mga tao dahil nawala ang isang babae na sinabing hindi raw makita ang kaniyang presinto.
Pero sabi ng mister na kasama ng babae, hindi niya alam kung ano ang biglang ikinagalit ng kaniyang misis.
Mayroon umanong iniindang depresyon ng kaniyang misis at hindi na sila nakakabili ng gamot nito.
Kaagad namang rumesponde ang mga awtoridad at medical staff na nakatalaga sa lugar para pakalmahin ang babae.
Nagpatawag din sila ng ambulansiya para madala sa ospital ang babae.
Hindi naman naantala ang botohan sa paaralan sa kabila ng nangyari.
Sa Cebu City naman, isang 78-anyos na lola ang binuhat ng kaniyang anak patungo sa botohan.
Matagal na umanong nakaratay si Lola Rosita matapos na ma-stroke at dahil sa sakit niya diabetes.
Pero sinikap pa rin niyang magtungo sa botohan at pumili kasama ng ibang may kapansanan upang makaboto sa ginanap na halalan ngayong araw.--FRJ, GMA News