Isang bata ang nalunod at dalawa pa ang nasugatan nang lumakas ang agos sa isang talon sa Indang, Cavite kung saan sila naliligo.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang nasawing biktima na si Gabriel Rubillos, na kabilang sa mga naligo sa St. Anthony Falls dakong 2 p.m. noong Linggo.
Sa video, makikita na biglang lumakas ang agos nang tubig matapos na bumigay umano ang inilagay na sandbags.
Natangay si Rubillos at nakuha ang kaniyang katawan may isang kilometro ang layo mula sa lugar kung saan siya naligo.
“Nag-collapse po ang barricaded na nilagay nilang sako…That’s the reason why nagkaroon po ng pagbaha,” ayon kay Police Major Ernesto, Caparas, Jr., acting police chief ng Indang PNP.
“Baka po sa current ng tubig at dami ng tao bumigay ang barricaded nila,” dagdag niya.
Ang St. Anthony Falls ay pinamamahalaan ng Barangay Tambo Malaki ng Indang.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, nakikipag-ugnayan sila sa pamilya ng mga biktima.
“Nangako naman po sila na kung obligasyon po na kailangan ng pamilya ay kanilang tutugunan,” sabi ni Caparas.
Iniutos ng lokal na pamahalaan na ipasara ang talon, habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyari.-- FRJ, GMA News