Patay ang isang 56-anyos na ama matapos siyang tagain ng kaniyang 16-anyos na anak sa Calinog, Iloilo. Ang mag-ama, pareho umanong lasing nang mangyari ang krimen.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Leo Lebuna, ng Barangay Badlan Pequeño.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, parehong lasing ang mag-ama nang mangyari ang insidente. Sinipa umano ng biktima ang suspek na dahilan para magalit ito.
Nagdilim umano ang paningin ng anak at pinagtataga ang kaniyang ama na kaagad namatay dahil sa tinamong mga sugat sa ulo at mukha.
Napag-alaman din sa imbestigasyon ng mga awtoridad na dati nang hindi maganda ang relasyon ng mag-ama.
Tumakas ang binatilyo matapos gawin ang krimen pero naaresto rin siya ng mga pulis.
Nasa kostudiya ng munucipal welfare office ang suspek, na desidido umanong sampahan ng kaso ng kaniyang sariling ina.--FRJ, GMA News