Nakilala na ng mga awtoridad sa Tayabas City ang ilan sa mga kabataang nahuli-cam na nambugbog sa isang binatilyo sa lalawigan ng Quezon.
Nagtungo sa Tayabas City Police Station ang magulang ng 14-anyos na binatilyo na nakunan ng CCTV na binubugbog, at ayon kay Police Staff Sergeant Jessica Sedenio, nakilala na ang ilan sa mga sangkot sa krimen.
Dagdag ni Police S/Sgt. Sedenio, kasalukuyang nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis.
Bukas, araw ng Biyernes, ay nakatakdang magharap sa Barangay ang grupo na nambugbog at ang biktima.
Ayon Cecile Natay, ina ng biktima, wala naman daw nakaaway ang kanyang anak.
Hindi raw niya akalain na sasapitin ito ng kanyang anak na ngayon ay dumadanas din ng sakit na epilepsy.
Nais raw niyang mapanagot at makulong ang mga nanakit sa kanyang anak.
Nagtamo ang biktimang si Kian ng mga pasa, sugat at bali sa katawan. Hirap parin siyang kumilos.
Ayon kay Kian, hindi nya kilala ang grupo ng mga kabataan na nanakit sa kanya.
Nalaman nalang niya noong mabugbog na siya na ang isa pala niyang kasama ang target na saktan ng grupo.
Kaaway raw ito ng isa niyang barkada. Nagtataka siya kung bakit siya ang sinaktan.
Sa ngayon ay wala ni isa mang kabataan na kasama sa grupong nanakit sa biktima ang nakikipag ugnayan sa mga pulis upang ibigay ang kanilang panig. —LBG, GMA News