Nauwi sa trahedya ang pagsundo lang sana ng mag-ama sa kanilang ilaw ng tahanan.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabing sumalpok sa kasalubong nilang kotse ang sinasakyan motorsiklo ng isang lalaki at ang kanilang 4-anyos na anak.
Nangyari ang insidente sa Mangaldan, Pangasinan.
Humandusay sa kalsada ang mag-ama matapos sumalpok ang kanilan motorsiklo sa kasalubong na kotse. Patay ang bata.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na lasing ang ama. Nag-overtake umano ang motorsiklo sa isang truck at hindi na nagawang iwasan ang paparating na kotse.
Nakatakda nang mag-usap ang mga kaanak ng mag-ama at ang driver ng kotse. —LBG, GMA News