Nasawi ang mag-asawa at dalawa nilang anak nang mahulog ang kanilang sasakyan sa malalim na bangin sa Tabuk City, Kalinga habang pauwi na sa Apayao.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV News nitong Martes, kinilala ang mga biktima na mag-asawang Marcelo at Marivic Sagyaman, at mga anak nilang sina Marvin at Azrel.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dumalo sa isang religious activity ang mga biktima sa Mountain Province.
Habang binabagtas nila ang kahabaan ng Barangay Bagongbayan sa Tabuk, posibleng nawalan umano ng kontrol sa sasakyan ang driver na dahilan para mangyari ang malagin na trahedya.
Kuwento ng kaanak ng mga biktima, may kasabay na jeep na galing din sa religious activity ang mga Sagyaman. Pero naunang nakaalis ang pamilya sakay ng van.
"Itong jeep na ka-convoy nila Pastor [Marcelo] ilang beses daw nilang tinatawagan [ang mga biktima] pero hindi raw nila makontak. Ngayon pinuntahan nila, tiningnan kung nasaan na sila pero hindi na nila nakita. Tapos doon na nalaman na nahulog pala," ayon kay Jennyvine Madanao, kaanak ng mga biktima.
Nasa 500 metro umano ang lalim ng bangin at madilim din daw sa lugar nang mangyari ang aksidente.
"Assume nila na puyat sila diretso raw ang activities nila. Pagkatapos ng activities nila mga about 9 o clock ng gabi, diretso sila umuwi na nagbiyahe," ayon kay PSMS. Ford Wassig, information Officer, Tabuk City Police Station.
Nagtamo ng matinding sugat ang mga biktima dahil mabato sa lugar kung saan bumagsak ang sasakyan.
Naging pahirapan din ang pagkuha sa mga biktima dahil sa taas ng bangin.
Patuloy na inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng aksidente.--FRJ, GMA News