Naiyak sa tuwa ang mga tao sa isang clinic sa Placer, Masbate nang marinig nilang umiyak ang bagong silang na sanggol matapos na 45 minutong pag-revive na ginawa sa kaniya ng isang midwife.

Sa ulat ni Jessica Calinog sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing isang buntis na nanghihina at fully dilated ang dinala sa clinic kung saan nagtatrabaho ang nurse at midwife na si Angie Pelones.

Nang isilang ang sanggol, wala na itong heart beat, hindi gumagalaw at nangingitim na ang labi dahil kakulangan ng oxygen.

Kaagad na kumilos si Pelones at nagsagawa ng chest compression sa sanggol na kabilang sa natutunan niya sa dinaluhang basic life support training program isang linggo pa lang ang nakararaan.

"Hindi ako nawalan ng pag-asa na kaya ko siyang buhayin," ayon kay Pelones na itinuloy ang chest compression na sinamahan niya ng panalangin.

At pagkaraan ng 45 minuto, nagkaroon ng tibok ng puso ang sanggol, umiyak at binigyan na siya ng oxygen.

"Umiyak na si baby, lahat-lahat naiyak, naiyak na rin po ako," anang midwife.

Labis ang pasasalamat ng mag-asawa kay Pelones sa pagsagip sa kanilang anak. Napag-alaman na namatay na rin noon ng anak ang dalawa.

"Ang alam ko ginawa siyang instrument ni God para tulungan yung baby. Ma'am maraming salamat sa'yong pag-alaga kay misis at sa aking baby," sabi ni Rey Jeco Pepito, padre de pamilya ng mag-ina.

--FRJ, GMA News